..munting paglalayag..
Tuesday, February 28, 2012
Friday, February 24, 2012
KISLAP SA LANGIT
Tulad ng luha kong walang patid sa pag-agos, ang pag-ibig ko'y hindi rin napapagod.
Alam ko nandiriyan ka lang. Nakikita mo ba ako? Tinatanaw mula sa malayo. Tulad ko, nakatingala at sayo ay nakikiramdam.
Ang bawat haplos ng panggabing simoy ng hangin ay nagdudulot ng pangungulila. Ngunit ang bawat kislap ng bituin ang syang pumapawi nito. Ang tila wala nilang kapagurang pagkindat ay nagpapatunay na hindi mo ako iniiwan kahit isang saglit.
Maari ba kitang muli'y mahawakan?
Pipikit ako at dahan dahang itataas ang mga kamay, at sa hangin ako'y aasang ikaw ay muling mahagkan.
HAGDAN PATUNGONG LANGIT
Siguro nga masyadong naging malupit ang mundo sa akin.
O sa mga taong katulad ko.
Sa bawat hampas ng latigong nag-iiwan ng pilat, sa bawat latay na sakit ay walang kahalintulad, may malinaw na ilog na sa aki'y naghihintay. Payapa upang aking kauhawan ay maibsan. Upang sakit ng katawa'y malunasan.
Sa bawat init, alam kong may lamig na kapalit.
Sa bawat luha, may katumbas na ngiti.
At sa bawat pagdurusa, alam kong may naghihintay na pag-asa.
At alam ko, liwanag ay kaylapit na.
Abot na ng aking kamay, hinihipo dulo ng aking daliri.
At humahalik na sa aking pisngi.
Ako'y pumikit at payapang napangiti.
Sunday, June 5, 2011
bagong simulain
Habang bahagyang nakatingala sa asul at payapang kalangitan ay marahan itinaas niya ang dalawang braso, pumikit, dinama ang malambing na ihip ng hangin at ngumiti ng may kakutentuhan habang nakatayo sa ibabaw ng burol.
Ramdam na ramdam ni Trisha ang sariwang hangin na malayang humahaplos sa pisngi niya. Dinig na dinig niya ang masayang awitan ng mga ibon at ang pagaspas ng mga dahong tila nagsasayawan sa kanyang paligid. At kahit siya’y nanaapikit, tila nakikita niya pa rin sa isip ang walang hanggang kulay berde na nakalatag sa kanyang harapan.
Napahagikgik siya bago dumilat ng marinig ang mahabang sigaw ng kaibigang si Aleya sa kanyang tabi. Tumingin siya dito at napuna niyang ito ma’y nakapikit at bahagyang nakangiti habang sumisigaw. Nakigaya siya rito at sumigaw din siya ng malakas sa abot ng kanyang makakaya. At pagkatapos ay sabay silang nagtawanan.
Saturday, June 4, 2011
MULI
Heto na naman akong muli..
Muling naglalakas ng loob at muling smusubok.
Umaasang sa panibagong pagkakataon, ika'y akin ng masilayan.
Hindi sumusuko, hindi nawawalan ng pag-asa.
Muli akong humaharap sa liwanag na dati’y aking sinubukang sungkitin ngunit panandaliang nilimot. Hinarap ang katotohanan at isinantabi ang ilusyon.
Ilusyon nga bang maituturing ang nahihimlay na dugo na sa aki’y bumubuhay?
Isa muling pagkakataon na sa aki’y naghihintay.
Gusto kong yakapin.
Gusto kong sunggaban.
Ngunit sa pagkakataong ito’y magpapa sunggab ka na nga ba? Magpapayakap ka na ba?
O isa ka na namang muli na magpapahintay sa panibago na namang muli?
Why Love makes us sad?
I heard it not just once, but for several times from different persons. Sa totoo lang, sa tuwing pag-ibig ang pinag-uusapan laging karugtong ang pain, ang lungkot. Bakit nga ba ganon?
Sabi nila, “To love is like a glimpse of heaven”.
Masyadong mataas ang expectation natin pagdating sa love. Bakit nga ba hindi? We are living in a world where pain is a usual thing to live with. Humahanap tayo ng bagay na kahit sandali, kahit saglit lang ay maglalayo sa atin sa katotohanan na masyadaong malupit ang mundong ginagalawan natin lalo na kapag hindi mo masabayan ang tiyempo nito. Na mayroong isang knight in shining armor na darating sa buhay natin with his beautiful white horse para sagipin tayo at dalhin sa kastilyo kung saan ang bawat musmos nating pangarap ay matutupad. Kung kaya naman kapag hindi na nagtagpo ang mga expectations natin ay nasasaktan tayo at nawawalan ng pag-asa.
pagkalipas ng mahabang panahon
pagkalipas ng mahabang panaho'y muli kong nasilayan ang liwanag..
at saglit na naharuyo sa mapanlinlang na ligaya..
tinalikuran ang paniniwalang matagal ko ring niyakap..
nagpakalunod sa daloy na 'di tiyak ang hangganan.
kahit sandali, kahit saglit lamang, bakit nila ipagkakait?
sila lang ba ang may matatawag na karapatan?
pangarap ko ba'y habang-buhay na lamang hahadlangan..
nang itim na aninong nagsusumiksik,
sa pagkatao ko'y ayaw bumitiw.
pagkalipas ng mahabang panaho'y muli kong naaninag..
ang kinang mong aking inalagaan,
sa tagong bahagi ay aking binantayan
ayaw pakawalan at mariing niyapos
sa isang lugar na 'di matatanaw.
muli akong umasam,
pag-asa'y muling nag-umalpas,
damdamin ko'y sadyang hindi napigilan,
o sadya lamang talagang ayaw kong pigilan.
pagkalipas ng mahabang panaho'y muli kong nakita,
isang pangarap na gustong lumipad,
ang damdamin ay pilit pang nagkukumawala,
mabilis, kumawala, lumipad!
sa himpapawid ay kaybilis umangat.
ngunit sa isang iglap, biglang lumagapak.
dahil lamang sa isang katotohanang aking nakalagtaan.
pagkalipas ng mahabang panahon..
pagkalipas,
mahabang panahon..
mahabang panahon..
panahong sasapat sa isang katotohanang mundo'y umiikot
at ang lahat ng inalagaan ko, iningatan at binantayan..
dahil sa panahong lumipas ay kailanma'y hindi na aakma..
sa mundong aking pinangarap pagkalipas ng mahabang panahon.
Subscribe to:
Posts (Atom)
