Habang bahagyang nakatingala sa asul at payapang kalangitan ay marahan itinaas niya ang dalawang braso, pumikit, dinama ang malambing na ihip ng hangin at ngumiti ng may kakutentuhan habang nakatayo sa ibabaw ng burol.
Ramdam na ramdam ni Trisha ang sariwang hangin na malayang humahaplos sa pisngi niya. Dinig na dinig niya ang masayang awitan ng mga ibon at ang pagaspas ng mga dahong tila nagsasayawan sa kanyang paligid. At kahit siya’y nanaapikit, tila nakikita niya pa rin sa isip ang walang hanggang kulay berde na nakalatag sa kanyang harapan.
Napahagikgik siya bago dumilat ng marinig ang mahabang sigaw ng kaibigang si Aleya sa kanyang tabi. Tumingin siya dito at napuna niyang ito ma’y nakapikit at bahagyang nakangiti habang sumisigaw. Nakigaya siya rito at sumigaw din siya ng malakas sa abot ng kanyang makakaya. At pagkatapos ay sabay silang nagtawanan.


