Saturday, June 4, 2011

heto na naman.. heto na naman..

Minsan tinatanong ko ang sarili ko kung anung klaseng espada ba ang meron ka at nagagawa mong balewalain ang sobrang kapal kong panangga laban sa sugat na pilit mong tinatatak sa puso ko? Buti sana kung katulad lang ng ibang galos na madaling naghihilom at hindi nag-iiwan ng bakas ang pinalalasap mo saa kin. Anu bang atraso ko sayo at pilit mong ginugulo ang isip ko?

Sabi ko noon, ayoko na.Tama na. Masyado na akong nasugatan at tila mauubos na ang dugo ko sa walang patid nitong pagtulo. Mahal ko ang sarili ko, oo. Siguro nga hindi kasing lalim ng nararamdaman ko sayo pero sapat na para igalang ko ito at magtira ng para sa sarili ko.

Tumigil na ako, at sa loob ng sandaling panahon ay alam kong nagtatagumpay na ako. Pero bakit nandyan ka na naman? Nag-aanyaya at nanghahalina ang iyong ngiti na may talim pala at unti-unting umuubos ng lahat ng enerhiyang matagal kong inipon panlaban sayo. Pero heto pa rin ako, kusang nagpapatangay sa maitim na tubig na alam kong magdadala sayo. Tinatanong ang sarili kung kailan ba ako madadala pero ayaw rin namang sagutin. Balik na naman ako sa dati kong "bahala na" na ilang buwan ko ring niyakap.

Tanga ba ang pag-ibig o sadyang bulag lang?
Hindi. Hindi ito maaring bulag sapagkat alam ko at malinaw kong nakikita ang mga pangyayari at sa halip na pumikit ako ay pinipilit ko pang aninagin upang mabigyang ligaya ka lang kahit ang katumbas nito ay panibagong pait na matagal kong lalasapin.

Pero wala na akong pakialam, ang bawat sugat na nagdudulot ng pilat sa pagkatao ko ang nagsisilbing paraan upang mamanhid ang puso ko mula sa sakit na nalalasap ko mula sayo. At sa bawat latay na dumadapo sa puso ko mula sa malupit mong pag-atake ay sinasangga ng pag-ibig ko sayong habang tumatagal ay palalim ng palalim hanggang sa wala ng natititra para sa katinuan ko.

Tuluyan ko ng niyakap ang dilim at dumi ng iyong pag-ibig. Nagpakalublob sa putik ng kasalanan at naglunoy sa sakit ng katotohanang maaring kapiling na naman kita sa ngayon pero bukas ay babalik kang muli sa kanila, sa iyong tunay na pamilya.

No comments:

Post a Comment