Saturday, June 4, 2011

ONE STEP HIGHER

Tinatanong ko ang sarili ko, hindi ba merong mga tao na na nagsasabing “I love the music, it’s just that the music doesn’t love me”?  How about in writing? Meron din bang ganun?
Muli na namang kinakain ng insekyuridad ang pangarap at pagkatao ko.  Paano kung hindi ako magtagumpay? Paano kung ang pangarap ko ay hanggang pangarap na lang? Paano kung malaman kong hindi pala totoo ang mga nasa isip kong kaya ko ring gawin iyon? Nilalamon na namang muli ng takot, kababawan at karuwagan ang sistema ko. At tulad ng nabubulok na prutas, unti-unti nitong minamantsahan ang pag-asa ko. At pagkapos, kung sakali mang may maisalba pang bahagi, aalisin ang parteng nabulok kung kaya naman may pingas na. Hindi na  buong katulad ng dati.
Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko ang panibagong pangarap at pag-asang aking sinimulan. Muli akong sumubok subalit muli rin akong nagduda sa aking kakayahan. Sinasabayan pa ito ng mga uod na pilit dumudumi sa aking isipan. Mga problemang tila nananadyang kusang dumarating sa panahong ikaw ay pabagsak.
Sabi nila, ang taong hindi sumusuko ay pinagpapala. Ayokong sumuko, ayokong tumigil, alam kong gusto ko pang ituloy ang laban. Subalit paano na kung  ang buong pagkatao ko na ang tumututol? Makakaya ko pa bang sugatan ang aking pusong bugbog na sa paulit-ulit na pakikibaka?
Pero nandiyan ka na naman. At tulad ng dati ay hindi mo ako pinabayaan. Muli ko na namang narinig ang awit ng anghel na humahaplos sa aking damdamin. Mapagpala at mapag-aruga. Nagbibigay ng bagong pag-asa at bagong liwanag. At tulad nang dati, mas gusto kong maglunoy sa malinaw na batis kaysa magpatangay sa maruming putik na pilit humihila sa akin. Sino ako para tanggihan ang iyong mapagpalang kamay?
Alang-alang sayo na patuloy umaasa sa aking kakayahan , ipagpapatuloy ko ang laban. I know I’m almost there. I’ll never give up. One step higher and I will finally see you smile. For your smile, one step higher.

No comments:

Post a Comment